Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na tuluyan nang nakauwi ang natitirang 86 Chinese Nationals na stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1.
Bago mag-alas-5:00 kaninang madaling araw lumipad ang China Eastern Flight MU 212 patungong Pudong, China.
Ang mga naturang dayuhan ay pawang sakay ng Cebu Pacific na unang dumating sa bansa ilang oras matapos na ipatupad ng Pilipinas ang travel ban mula at patungong China.
Sila ay kabilang sa halos 300 Chinese nationals na stranded sa NAIA terminal 1.
Una nang nakabalik kahapon ng Hong Kong, Macau at Mainland China ang iba pang stranded na mga Chinese.
Ang pagharang ng BI sa mga banyaga ay kasunod na rin ng direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na expanded travel ban sa mga foreign nationals na galing Hong Kong, Macau at China.