Laurel Batangas
IMAGE | Laurel, Batangas Mayor Joan Amo met with some provincial officers to respond ‘lahar-like’ flash flood last June 7/Batangas PIO

Nangako ng tulong provincial government ng Batangas sa mga pamilya ng Brgy. Boso-Boso sa bayan ng Laurel na sinalanta ng tila lahar na landslide sa kasagsagan ng malakas na ulan na dulot ng localized thunderstorm noong Linggo.

Ayon sa Batangas Provincial Information Office, agad na nagpadala payloader truck ang Provincial Engineering Office sa lugar para maalis ang mga putik na humambalang sa mga kalsada ng nasabing lugar at karatig na bayan ng Agoncillo.

Ngayong araw, nag-deploy din daw ng backhoe ang panlalawigang pamahalaan para sa karagdagang operasyon.

Tumulak naman ang clearing operation ng mga apektadong daan sa ikatlong distrito, at mga bayan ng Lemery at Taal.

“Ipinarating din ni Gov. DoDo (Hermilando) Mandanas sa pamamagitan ng PDRRMO head, na nakahandang tumulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga naapektuhan ng baha,” nakasaad sa statement.

Kinumpirma ng provincial government na ang pinaka-nasalantang Brgy. Boso-Boso ay sakop ng 7-kilometer danger radius zone ng Bulkang Taal. Pero hindi umano lahar flow ang insidente noong Linggo.

Sinabi kasi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), maituturing lang na flash flood o baha ang nangyari dahil mas marami ang tubig kumpara sa mga debris at pyroclastic materials.

Batay sa pagtataya ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, 25 bahay ang naapektuhan ng baha. Pero wala naman daw naitalang malaking pinsala nasaktan.

Ang kailangan lang ay mailikas ang nasa 30 pamilya.