CENTRAL MINDANAO – Sugatan ang tatlong katao sa pananambang sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga biktima na sina Millomida Malasan, 21,traysikel driver at residente ng Carpenter Street Kidapawan City; Mark Joseph Andolana Linao, 27, nakatira sa Purok Malinawon, Barangay Saguing, Makilala North Cotabato at Percila Pang-ot Marimon, 41, may asawa at residente ng Barangay Batasan, Makilala Cotabato.

-- Advertisement --

Sinabi Police Major Johnny Rick Felongco Medel, hepe ng Makilala PNP na galing ng Kidapawan City ang mga biktima sakay ng traysikel ngunit pasgsapit nila sa Brgy. Saguing Makilala Cotabato ay bigla silang pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistol ng mga hindi kilalang mga armadong kalalakihan na nakaabang sa gilid ng kalsada.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo pabalik ng Kidapawan City.

Ang mga sugatan ay dinala ng mga nagrespondeng pulis sa isang pagamutan sa syudad ng Kidapawan at patuloy na nagpapagaling.

Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pamamaril sa mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.