BUTUAN CITY – Kinumpirma ni 1/Lt. Jonald Romorosa, Civil Military Operations officer ng 36th Infantry “Valor” Battalion, Philippine Army, na pinakawalan na ng New People’s Army (NPA) ang tatlo sa apat na sibilyang kanilang binihag sa boundary ng Tandag City at bayan ng Lanuza sa Surigao del Sur.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ng opisyal na sina Wendil Delicuna, Jeffrey Delicuna at Angelo Duazo, ay pinakawalan sa Vic Mahawan, So Banahao, BarangayMaitom ng Tandag City.

Nananatili naman sa kamay ng rebeldeng grupo si Ryard Badiang na ginawang panangga laban sa tumutugis sa kanila na tropa ng pamahalaan.

Base sa kanilang ginawang imbestigasyon sa mga biktima, nalaman na kinumbinsi umano sila ng kanilang mga abductors na huwag suportahan ang itatayong CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) detachment sa Sitio Ibuan sa Barangay Mampi sa Lanuza kung saan nakatira ang mga biktima.