Muling nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga human trafficking syndicates kasunod ng pagkakaharang ng tatlong Pinay sa Clark International Airport (CIA) sa Pampanga na sinasabing biktima ng human trafficking gamit ang Facebook.
Sa report na ipinaabot kay BI Commissioner Jaime Morente, ang tatlong kababaihan ay patungo umanong United Arab Emirates (UAE).
Ayon sa travel control and enforcement unit (TCEU) ng BI, tinangka raw ng mga Pinay na sumakay sa Emirates flight papuntang Dubai.
Lumalabas na nagpanggap ang mga babaeng turista pero kinalaunan ay umamin ang mga itong patungo sila sa Dubai para magtrabaho bilang domestic household workers.
Lahat daw sila ay mayroong valid UAE tourist visas at return tickets para palabasing magbabakasyon lamang sila sa Dubai.
Pero nang isalang ang mga ito sa interview, inamim ng mga itong na-recruit sila para magtrabaho sa ibayong dagat.
Dagdag ng mga ito, nakatanggap raw sila ng instructions sa kanilang handler sa pamamagitan ng Facebook at natanggap nila ang kopya ng kanilang visa at return ticket sa Internet.
Sinabi ng mga biktimang hindi raw sila nagbayad sa handler at ang kanilang gagastusin sa pagpunta sa ibayong dagat ay ibabawas na lamang sa kanilang sahod.
Ang mga biktima ay hawak na ngayon ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa imbestigasyon.