CENTRAL MINDANAO – Tatlo ang patay at isa ang sugatan sa nangyaring vehicular accident sa bayan ng M’lang, Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Archie Toledo Sagcelo, 22, residente ng Barangay Saranay, bayan ng Matalam.

Binawian din ng buhay ang mga angkas ni Sagcelo na sina Fritzie Jean Peroy Morga, 15; at Salcy Sanchez Dimaluan, 12, pawang nakatira sa Purok 6, Barangay Dalipe, M’lang.

Sugatan naman si Joseph Molina na residente ng Barangay Lika sa nasabing bayan.

Ayon kay P/Lt. Col. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, sakay ang mga nasawi sa isang motorsiklo at aksidente itong bumangga sa sinusundan nilang motorsiklo na tinutulak naman ni Molina dahil naubusan umano ng gasolina.

Nagtamo ng sugat at galos si Molina sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan na tumilapon sa gilid ng kalsada.

Habang ang tatlo sa mga nasawi ay tumilapon sa kabilang linya ng kalsada at pumailalim sa kasalubong na kotse na minamaneho ni Benny Queman, station manager ng Bandera News TV and FM Radio sa bayan ng Midsayap at kasama ang kanyang mga TV Crew.

Dalawa sa mga biktima ay nasawi sa mismong lugar habang naisugod pa sa pagamutan ang isa nilang kasamahan ngunit binawian rin ito ng buhay.

Hindi na nagsampa ng kaso ang pamilya ng mga nasawi kay Queman at inayos na lamang ang nangyaring disgrasya.

Humingi naman ng pasensya si Queman sa pamilya ng mga nasawi dahil hindi naman niya sinadya ang aksidente.