Reading Time: 1 minute

CENTRAL MINDANAO – Tatlong katao ang nasawi kabilang na ang brgy chairman, brgy treasurer at miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pananambang sa Cotabato City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Norodin Guiaman, brgy kapitan ng Brgy Tuka Mamamasapano, Maguindanao at brgy treasurer nito na si Sindatu Agao at si Basser Guiaman, miyembro ng MILF.

Sugatan naman si Alwaida Guiaman, anak ni Guiaman.

Ayon kay Major Rowell Zafra, tagapagsalita ng Cotabato City Police Office (CCPO), habang sakay ang mga biktima sa isang Toyota Vios kulay abo na may plakang 111209 sa Notre Dame Avenue, Barangay Rosary Heights 2 sa lungsod ay bigla itong hinarang ng apat na mga hindi kilalang armadong kalalakihan at pinagbabaril sila gamit ang kalibre .45 na pistola at 9mm pistol.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin lulan ng dalawang motorsiklo patungong town proper.

Agad namang dinala ang mga sugatan sa pagamutan ngunit tatlo sa kanila ay binawian ng buhay.

Alitan sa pamilya o rido ang natatanaw ng mga otoridad sa pamamaril sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.