NAGA CITY – Patay ang tatlong katao habang nasa kritikal na kondisyon naman ang isa pa matapos magbangaan ang isang pampasaherong bus at tricycle sa San Isidro, Talisay, Camarines Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Capt. Leny Encinas, hepe ng Talisay-PNP, sinabi nitong mula sa Daet ang tricycle na minamaneho ni Melvin Hernandez sakay tatlong magkakamag-anak na pauwi na sana sa kanilang bahay.

Ayon kay Encinas, lango sa alak si Hernandez at kinain ng minamaneho nitong tricycle ang kabilang linya hanggang sa sumalpok sa kasalubong na bus na minamaneho ni Ruel Mendiola na mula sa bayan ng Labo at patungo sana sa Daet.

Kaugnay nito, napuruhan sa insidente si Hernandez at ang dalawang pasahero habang patuloy na ginagamot ang isa pa.

Sa ngayon, nananatili na aniya sa kustodiya ng mga otoridad ang driver ng bus habang hinahanda na ang kasong isasampa laban dito.