LEGAZPI CITY – Mahigpit na binabantayan sa ngayon ng medical team sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) ang tatlong pasyente matapos na makitaan ng sintomas ng novel Coronavirus.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Health Office head Dr. Antonio Ludovice, naka-quarantine na ang mga nasabing pasyente na pawang residente ng Bacacay, Albay at may history ng pagbiyahe sa Hong Kong.
Dagdag pa ni Ludovice na isa sa mga pasyente ang mayroon rin na severe acute respiratory infection kung kaya’t kinakailangan ng mahigpit na atensyong medikal.
Subalit nilinaw ng opisyal na hindi pa masasabing person under investigation para sa nCoV ang mga ito dahil hinihintay pa ang pormal na anunsyo ng Department of Health (DoH) habang isinasagawa na ang confirmatory test.
Pinawi naman ng opisyal ang pangamba ng publiko dahil mahigpit naman na binabantayan ang mga nasabing pasyente habang nakahanda umano ang Provincial Health Office katulong ang Department of Health (DoH) sa pagsagot sa mga naturang kaso.