-- Advertisements --

MANILA – Tatlong ospital na ang pinahihintulutan na gumamit ng anti-parasitic drug na ivermectin sa kanilang mga pasyente ng COVID-19.

Sa pagdinig ng House of Representatives nitong araw, inamin ng Food and Drug Administration (FDA) na nadagdagan pa ng isa ang bilang ng mga pagamutang ginawaran nila ng “compassionate special permit” (CSP) sa naturang gamot.

“Sa ngayon po mayroon pa pong na-approve na isang hospital kahapon,” ani FDA director general Eric Domingo.

“May pending pa po na isa daw na nag-apply din kahapon na may kulang lang na papel na isa-submit,” dagdag ng opisyal.

Kung maaalala, nitong buwan din nang gawaran ng FDA ng compassionate special permit ang dalawang hindi pinangalanan ng mga ospital.

Noong nakaraang taon nang amiyendahan ng Department of Health (DOH) ang isang FDA Memorandum na nagbibigay kapangyarihan sa ahensya na maggawad ng CSP sa isang gamot na hindi pa rehistrado pero kailangang i-reseta sa pasyente.

Bukod sa mga sakit tulad ng HIV at cancer, pinayagan na rin ng Health department ang paggawad ng CSP sa mga nakahahawang sakit tulad ng COVID-19.

Una nang sinabi ng World Health Organization at ng mismong drugmaker ng ivermectin ng Merck, na wala pang sapat na ebidensyang ligtas at epektibo ang naturang gamot laban sa coronavirus disease.