-- Advertisements --
image 76

Patuloy na tumaas ang bilang ng mga insidente ng pagkalunod ng mga beachgoers at picnic-goers ngayong Semana Santa.

Ayon sa Calabarzon Police, noong Sabado, isang insidente ng pagkalunod ang naganap sa ilog ng Kay-Anlog sa Calamba City, Laguna. Ang biktima, nalunod habang lumalangoy kasama ang mga kaibigan dakong ala-1:30 ng hapon.

Sinubukan siyang iligtas ng kanyang mga kasama at isinugod sa ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival.

Sa Tiaong, Quezon, isang lalaki ang nalunod habang nangingisda sa gilid ng Talon River sa Sitio Liwayway, Barangay Lalig, dakong 9:40 ng umaga noong Sabado.

Ipinaalam niya sa kanyang mga kainuman na mangingisda siya ngunit hindi na bumalik.

Natagpuang nakalutang sa ilog ang kanyang walang buhay na katawan.

Sa Atimonan, Quezon, isang menor de edad din ang nalunod sa isang resort river sa Barangay Santa Catalina noong Sabado ng hapon.

Napansin ng kanyang ina na siya ay nawawala at hinanap siya hanggang sa matagpuan niya itong nakalutang sa ilog.

Naisugod pa ito sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat at sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan kapag lumalangoy sa dagat o anumang anyong tubig upang maiwasan ang mga katulad na insidente.