Tanging nasa tatlong nagpapatuloy na reclamation projects ang apektado dahil sa suspensyon ng lahat ng 22 reclamation projects sa Manila Bay dahil karamihan sa mga ito ay nasa iba’t ibang stage pa ng compliance ayon sa Philippine Reclamation Authority (PRA).
Ayon kay PRA Assistant General Manager Joseph John Literal na natanggap na ng ahensiya ang direktiba ni PBBM na suspendihin ang reclamation projects na kasalukuyan pang pinag-aaralan.
Naisilbi na rin aniya ang suspension notices sa mga lokal na pamahalaan na nagsasagawa ng mga proyekto partikular na sa mga lungsod ng Metro Manila gaya ng Navotas, Manila, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Bacoor City, at Cavite province.
Base sa ibinahaging mga mapa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang tatlong nagpapatuloy na reclamation projects ay ang Harbour City sa Pasay, na mayroong 265 hectares ng lupa na nakalaan para sa mga institusyon, condominiums, at hotels; ang 390-hectare joint venture at ang 318-hectare Manila Waterfront City project malapit sa United States Embassy.