LEGAZPI CITY- Bagsak sa kulungan ang tatlong miyembro ng Concepcion criminal group sa ikinasang search warrant operation ng mga otoridad sa dalawang bahay sa Barangay Buga, Libon, Albay.

Ayon sa Libon PNP, unang naaresto sina Marilou Ortega Pintor, at Rex Albar Pintor ng silbihan ng search warrant ng mga otoridad.

Nakuha sa tahanan nito ang isang caliber .45 pistol at fragmentation hand grenade.

Sa isa pang operasyon, nahuli rin ng mga pulis si Ruel Putian Reyes Sr. na nakuhanan naman sa kanyang tahanan ng caliber .45 pistol at isang M1911 pistol.

Nabatid na pawang miyembro ang tatlo ng kilabot na Conception Criminal group na responsable sa nangyayaring holdap at patayan sa Libon at mga katabing lugar.

-- Advertisement --

Nakakulong na ngayon ang mga nahuling suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516.