BUTUAN CITY – Na-rescue ng pulisya at ng mga tauhan ng bantay dagat ang tatlong mangingisdang limang araw nang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Sta. Monica, Surigao del Norte.
Kinilala ni Brigadier General Gilberto DC Cruz, Regional Director ng Police Regional Office Region 13 (PRO-13) ang mga mangingisdang sina Ador Varquez, 49, residente ng Brgy Sering, Socorro, Surigao del Norte; Clifford Mante, 27 at Jerry Boiser, 25 parehong residente ng Brgy. Rizal ng nasabing bayan.
Sinimulan ang rescue operation matapos maibalita ang pagkawala ng mga ito noong Agosto 4, matapos umalis sa kanilang bayan upang mangisda sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Hanna.
Ayon kay Brigadier General Cruz, tumaob ang kanilang bangkang pangisda matapos hampasin ng naglalakihang alon nang makarating sila sa karagatang sakop ng Siargao Islands.
Kahit na nagpalutang-lutang sila sa loob ng limang araw na walang pagkain at tubig inumin ay nagawa pa ng mga ito na maka- survive.
Ang nailigtas na mga mangingisda ay nasa konstudiya na ng Sta. Monica Municipal Police Station at nakatakdang dalhin sa kani-kanilang pamilya ngayong araw.