Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan at Special Operation Unit-Aklan ang tatlong mangingisda matapos na magkaaberya ang sinasakyang bangka sa karagatang sakop ng Isla ng Boracay at Caluya Island sa lalawigan ng Antique.
Ayon kay Senior Chief Petty Officer Dominador Salvino, deputy station commander ng PCG-Aklan nangyari ang naturang insidente bandang alas-4:00 ng madaling araw ng Biyernes, Mayo 07, 2021.
Kinilala ang mga nailigtas na sila Artemio Famisan, 46; Bernardo Seraspi, 53; kapwa residente ng Sitio Hagdan, Barangay Yapak, Boracay at CJ Labitag, 16 ng Sitio Minoro, Barangay Caticlan, Malay, Aklan.
Sinasabing pauwi na ang mga mangingisda sakay ng FBCA Daniella nang magkaroon ng sira ang kanilang makina dahilan na tumigil ang pag-andar ng bangka at nagpalutang-lutang sila sa dagat.
Matapos makipag-ugnayan si Ms. Resty Solanoy, agad na nag-deploy ng search and rescue team ang PCG-Aklan.
Matapos masagip, hinila ng PCG ang nasirang bangka sa reclamation area ng Caticlan jetty port.
Matapos masigurong nasa maayos na kundisyon ang mga mangingisda, pinayagan ang mga itong makauwi.