-- Advertisements --

Agad bumuo ang Department of Justice (DoJ) ng isang panel na magsasagawa ng imbestigasyon sa mga kasong isinampa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa 30 isinasangkot sa “Ang Totoong Narcolist” video na nag-uugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang pamilya sa illegal drug trade.

Sa inilabas na Department Order No. 366, inatasan ni Justice Sec. Menardo Guevarra na magsagawa ang panel ng preliminary investigation sa mga kasong isinampa laban kina Vice President Leni Robredo, kasalukuyang mga senador na sina Leila de Lima at Risa Hontiveros maging ang dating mga senador na sina Bam Aquino at Antonio Trillanes at iba pang persolalidad.

Menardo Guevarra

Ang panel of prosecutors ay binubuo nina Senior Assistant State Prosecutor Olivia Torrevillas, Assistant State Prosecutor Michael John Humarang at Assistant State Prosecutor Gino Paulo Santiago.

Maalalang kahapon ay inihain ng nagpakilalang nasa likod ng Bikoy videos na si Peter Jomel Advincula ang mga kasong sedition, inciting to sedition, cyber libel, libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice sa Department of Justice (DoJ) kasama ang kanyang abogadong si Atty. Larry Gadon.

Kasama pa sa mga kinasuhan sina dating Supreme Court (SC) PIO Chief Theodore Te maging si dating Solicitor General (SolGen) Florin Hilbay mga pari at obispo sa pangunguna ni Archbishop Socrates Villegas at iba pang kilalang personalidad at mga John at Jane Does.

GADON

Pinanumpaan naman ni Advincula ang kanyang sinumpaang salaysay na bilang testigo ng PNP-CIDG sa harap ni DoJ Associate Prosecution Attorney Leslie Ann Po.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Gadon, sinabi nitong matibay ang kanilang mga ebidensiya na magdidiin sa mga taong nasa likod ng kontrobersiyal na video laban sa pangulo.

Ayon kay Atty. Gadon, ginawa mismo ang serye ng mga kontrobersiyal na video sa Communications Center ng Ateneo De Manila University (ADMU) at doon din isinagawa ang pag-upload nito sa internet.

Sinabi ni Atty. Gadon na consistent ang kanyang kliyente sa mga detalye kung paanong ginawa ang video at sino ang mga taong nasa likod nito at kahit anya pagbalibaligtarin ang tanong dito ay iisa ang sagot ni Bikoy.