BUTUAN CITY – Nagsampa ng kasong syndicated estafa ang isang miyembro ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated sa National Bureau of Investigation (NBI) Caraga laban kay KAPA founder Joel Apolinario.

Ayon sa reklamanteng itinago lang sa pangalang “Langga,” base sa inisyal na assessment ng NBI, malakas daw ang kasong kanyang isinampa dahil may mga ebidensya itong isinumite gaya ng membership form at ang papel nasa kanyang kamay kung saan nakalagay ang P10,000 na kanyang na-invest na pirmado ni Apolinario.

Sumunod naman kay alyas Langga sa pagsampa ng kaso sa NBI-Caraga ang dalawang iba pang mga babae na kinabibilangan ng isang miyembro at isang agent.

Gaya kay alyas Langga, nais din nilang makuha ang kanilang na-donate na pera matapos mapagtanto na hindi nila ito makukuha kung mananatili silang walang kibo at maniniwala sa mga pahayag ng mga KAPA defenders at kay Apolinario.