Inaresto ng Quezon City Police ang tatlong indibidwal dahil sa umano’y pagbebenta ng complimentary Metro Manila Film Festival tickets.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairperson Romando Artes, humingi sila ng tulong mula sa Quezon City Police Department matapos matanggap ang ulat ukol sa umano’y bentahan ng mga pekeng ticket.
Nagsagawa naman kaagad ng entrapment operation ang pulisya at naaresto ang tatlong indibidwal, habang narekober sa kanilang pag-iingat ang 40 na counterfeit/pekeng ticket.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ibinebenta umano ng mga suspek ang mga naturang ticket, gamit ang online platform, sa presyong P1,300 hanggang P1,500 bawat isa.
Ayon pa kay Atty Artes, kinalaunan ay kinumpirma na rin ng MMFF Secretariat na peke ang mga naturang ticket.
Kinundena na rin ni Artes ang naturang aktibidad. Ayon pa sa MMDA Chair, ang mga complimentary tickets o mga passes ay hindi ‘for sale’ at walang sinuman o anumang grupo na authorize na magbenta o magdistribute sa mga ito.