Humaharap sa patong-patong na kaso ang tatlong katao kabilang ang isang Korean national na sangkot sa human trafficking.
Ang mga suspek na sina Son Young Hai alyas William Son at partner nitong si Ma Edna De Guzman at isang Mark Jim Basigsig Costan ay naaresto ng National Bureau of Investigation-International Airport Investigation Division (NBI-IAID) sa Paranaque City.
Ayon kay NBI Director Dante A. Gierran, ang mga suspek ay sangkot sa sex-for-a-fee scheme.
Nag-ugat ang operasyon sa intelligence information na sangkot ang subject sa sex trade gamit ang kanilang establishment na Healing Hands na sinasabing massage parlor sa Bricktown Subdivision Phase III, Moonwalk Subdivision, Paranaque City.
Matapos naman ang surveillance operation, nagsagawa ang NBI ng rescue operation kasama ang
Department of Social Welfare and Development (DSWD-NCR).
Nang pasukin ng mga otoridad ang lugar ay dito na nakita at na-rescue ang walong kababaihan kabilang dito ang apat na menor de edad.
Aminado naman daw ang mga kababaihan na mayroong offer sa kanilang cash para sa pakikipagtalik sa mga kostumer.
Sumalang na ang mga suspek sa inquest proceedings sa Prosecutor’s Office ng Parañaque City dahil sa paglabag sa RA 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2003), as amended by RA 10364 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of2012), RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).