Inilatag na ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si PGen. Nicolas Torre III ang tatlong haligi ng epektibong pamumuno na siyang prayoridad at tutukan ng PNP sa ilalim ng kaniyang liderato.
Inuna na ng hepe ang pagpapatupad ng 3 minute response time para sa isang mabilis na serbisyo at pagresolba ng mga emergencies ng publiko.
Ani Torre, naipatupad na niya ang alituntuning ito mula pa noong siya ang maging Quezon City Police District Director at maging Police Regional Office 11 Regional Director.
Bagamat ito ay umiiral sa buong bansa, nais muna ng hepe na unahin ang mga mga siyudad at lugar sa loob ng Metro Manila para sa mas mabisang aksyon sa kalakhang Maynila.
Pangalawa naman sa prayoridad ni Torre ay ang pagkakaisa. Dapat aniya mayroong pagkakaisa at mataas na moral ang mga pulis kung saan dapat na pinapairal ang pagbibigay ng respeto sa isa’t isa para sa mas maayos na pagalalatag ng trabaho sa kanilang hanay.
Panghuli naman ay ang pagkakaroon ng accountability ng mga pulis kung saan binigyang diin ni Torre na hindi sapat dito ang papogi points lamang at dapat na makatanggap ng parangal ang mga karapat-dapat na bigyang ng pagkilala dulot ng kanilang pagtupad sa kanilang mandato at patuloy na pagiging tapat sa kanilang serbisyo.
Nauna naman dito at hinamon din niya ang kanilang hanay na mas maging maingay kaysa sa kaniya hindi lamang sa mga salita kung hindi pati sa kanilang gawa. Dapat na nakikita aniya ng publiko ang kanilang mga nagiging trabaho at pagsunod sa kanilang sinumpaang mandato.