-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Naabo ang isang malaking bahay habang dalawang iba pang gusali ang partially burned sa nangyaring sunog sa Barangay Balabag sa isla ng Boracay.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Kalibo mula sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), naganap ang insidente dakong alas-3:08 ng hapon at naapula ang sunog makalipas ang halos kalahating oras na pakikipagbuno sa naglalagablab na apoy.

Nagsitakbuhan naman ang mga residente at iba pang turista na kasalukuyang namamahinga nang makita na nilalamon ng malakas na apoy ang nasabing gusali.

May kalakasan umano ang hangin kaya mabilis na kumalat ang apoy na nagpahirap sa mga bumbero sa pag-apula ng sunog.

Maliban dito, nahirapan din ang mga responders na mag-reload ng tubig dahil sa masikip na kalsada.

Samantala, kinilala naman ang mga nasaktan na sina Angelica Torres, 24; Federico Visca, 74; at Jil Ann Manuel, 28.

Nasa 20 pamilyang apektado naman ang kasalukuyang nasa Balabag evacuation center.

Ang insidente ay patuloy pang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection Boracay.