Tuloy ang buhay at “the show must go on” para kay Miss Universe Philippines Rabiya Mateo.
Ito’y kasunod ng kanyang pagiging emosyonal habang humihingi ng paumanhin para raw sa mga nadismaya sa naging performance nito sa national costume show ng 69th Miss Universe kaninang umaga, oras sa Pilipinas.
Nabatid na matapos ang nasabing event ay agad nagsagawa ng maiksing live session sa kanyang Instagram si Rabiya kung saan sinabi nito na hangad niyang proud pa rin sa kanya ang mga kababayan at iba pang tagasuporta.
Ayon sa 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo, ramdam nito ang kakaiba niyang ganda noong inirarampa sa Miss Universe stage ang national costume na hango sa bandila ng Pilipinas bagama’t bigong maisuot ang head piece o ‘yaong accessory para sa buhok.
“I’m so sorry kung na-disappoint man kayo sa akin. But I know na I did my best. I even cut my finger earlier and ‘yung stockings ko puno na rin siya ng dugo. But I kept fighting,” umiiyak nitong sambit.
Dagdag pa niya, “Kahit wala nang oras, I didn’t have time to retouch my hair, to retouch my makeup. I was running for pins, I was running for scissors, for everything, just to be able to execute the costume really well.”
Pinaghalong kulay asul at pula ang national costume ni Mateo mula sa kanyang high heels, main outfit, at ang mabigat na dambuhalang pakpak.
Sa kabila nito, ang mahalaga aniya ay nag-enjoy siya sa naturang pre-pageant event ng Miss Universe.
“Tonight was a good night. I had fun. That’s what really matters.”
Una nang ipinaliwanag ng national director ng Miss Universe Philippines na si Shamcey Supsup na “standout” pa rin ang naging performance ni Rabiya.
Ayon sa Pinay Miss Universe 2011 third runner-up, pinili lang nila kung saan magiging komportable ang pambato ng Pilipinas kaysa naman mahulog ang head dress sa gitna ng pagrampa.
Kung maaalala, sa Miss Universe 2019 o bago nagka-coronavirus pandemic, nasungkit ng Pilipinas sa pamamagitan ni Gazini Ganados ang best in national costume na isang eagle-inspired sa headpiece, habang may dalawang ibon sa sleeves ng damit.
Samantala bukas naman ng umaga, ang preliminaries- habang sa May 17 Manila time pa rin, tatangkain ni Rabiya na maibigay sa bansa ang pang-limang Miss Universe crown.