BAGUIO CITY – Sinuspinde muna ng isang day care center sa Baguio City ang kanilang klase matapos magpositibo sa hand, foot and mouth diseases (HFMD) ang tatlong estudyante nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Brgy. San Roque chairman Ernesto Amon na mula July 31 hanggang August 13 ay pinasuspinde muna ng San Roque Day Care Center ang kanilang klase.
Ayon sa kapitan ng barangay, bibigyang daan sana ng paaralan ang paglilinis sa loob ng bisinidad nito para maiwasan ang pagkahawa ng ibang bata.
Nilinaw naman ni Amon na hindi galing sa kaniyang lugar ang sakit dahil mula sa kabilang barangay umano ang estudyanteng nagpositibo sa HFMD.
Batay sa datos ng barangay, nasa 37 ang estudyante ng paaralan.
Kaugnay nito, tumulong na rin ang Asin District Health Office sa kaso.
Paalala naman ng Baguio City Health Services Office, dapat panatilihing malinis ang kapaligiran at katawan dahil ito umano ang ilan sa mga nagdudulot ng naturang sakit.
Madalas din daw kasing biktima ng HFMD ang mga bata ang sanggol.
Paliwanag ni Dr. Rowena Galpo, opisyal ng city health office, hindi nakamamatay ang sakit dahil pwede naman itong malunasan.