CAUAYAN CITY – Idineklara ang tatlong araw na pagluluksa sa Montenegro kasunod ng nangyaring mass shooting sa Cetinje na ikinasawi ng 12 tao kasama na ang gunman.
Sinabi ni Bombo International News Correspondent Analyn Todorovic na nabigla ang lahat sa naturang mass shooting dahil ito ang unang pagkakataon na may maitalang pamamaril sa naturang bansa.
Dahil dito ay nagdeklara ng tatlong araw na pagluluksa ang prime minister ng Montenegro para sa mga mamamayan ng Cetinje.
Aniya, labindalawa ang namatay sa naturang pamamaril na kinabibilangan ng dalawang batang lalaki na magkapatid na edad 8 at 11, ang kanilang ina, isang pulis, ilang sibilyan at ang gunman.
Ayon kay Todorovic, ang mag-iinang pinatay ng suspek ay may-ari ng bahay kung saan siya nangungupahan.
Pagkatapos niyang mapatay ang mag-iina ay lumabas pa siya at binaril ang mga dumadaan.
Sa ngayon ay wala pang lead ang mga awtoridad sa pangyayari at hindi rin nila alam kung paano umpisahan ang imbestigasyon dahil patay na ang gunman nang sila ay dumating.