BAGUIO CITY – Inamin ng Baguio City mayor at bagong contact tracing czar na si Benjamin Magalong na nasa second wave na ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) infection ang Baguio City.
Ayon sa kanya, noong nakaraang buwan nagtapos ang unang wave ng COVID-19 infection sa Baguio habang nadama ang ikalawang wave, dalawang linggo na ang nakakaraan.
Dahil dito ay hinigpitan pa aniya ng lokal na pamahalaan ng Baguio ang pagpapatupad ng expanded testing, contact tracing at disinfection.
Ipinasigurado pa niya na sapat ang bilang ng mga quarantine facilities ng lungsod kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga residente ng Baguio na nagpopositibo sa COVID-19.
Ipinag-utos na rin ng alkalde ang pagbabalik ng liquor ban, tatlong linggo mula nang aprubahan ang pagbebenta ng alak sa lungsod.
Nagpositibo kasi sa sakit ang aabot sa 10% na construction workers sa lungsod na resulta ng paggamit ng mga ito ng iisang baso tuwing iinom sila ng alak.
Samantala, naka-lockdown pa rin ang 13 barangay ng Baguio mula sa dating 23 nitong nakaraang weekend kasunod ng pagtala ng maraming kaso ng COVID-19.
Sa ngayon, kabuuang 98 ang kaso ng COVID-19 ng Baguio kung saan 48 ang aktibong kaso, habang dalawa ang nasawi at 48 ang gumaling.