-- Advertisements --

Bagama’t umaasa ang National Vaccination Operations Center (NVOC) na masimulan ang bakunahan ng ikalawang booster shot laban sa COVID-19 sa lalong madaling panahon ay sinabi ng Department of Health (DOH) na hindi ito agad na maipapatupad.

Ito ay hangga’t hindi pa natatapos ang pagsusuri at naglalabas ng final recommendation ang Health Technology Assessment Council (HTAC) ukol dito.

Ayon kay Health Undersecretary at NVOC chairperson Myrna Cabotaje, sa ngayon ay tinitignan ng kagawaran na simulan ito sa bukas, Abril 20, o ngayong linggo.

Kasunod nang pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) sa pag-amyenda sa emergency use authorization (EUA) nang nasabing mga bakuna ay agad na sinimulan ng NVOC ang pagbabalangkas ng mga panuntunan para sa rollout nito sa kanilang mga regional counterparts.

Nakatakda namang maglabas ng guidelines sa mga susunod na araw ang DOH kung anong mga vaccine brands ang maaaring gamitin bilang homologous at heterologous bilang second booster.

Magugunita na ang mga bakunang Pfizer, Moderna, Sinovac, Sinopharm, at AstraZeneca, Sputnik Light at Janssen ang mga bakunang pinahintulutan ng FDA na gamitin bilang second booster shot para sa mga eligible population pagkatapos ng apat na buwan na natanggap ng mga ito ang kanilang unang booster shot.