Hindi bababa sa 28 katao ang naiulat na nasawi sa pananalasa ng malalakas na bagyo at buhawi mula gitnang bahagi ng East Coast, ayon sa mga opisyal.
Pinakamalalang tinamaan ang Kentucky, kung saan19 ang naiulat na namatay na karamihan ay mga taga Laurel County.
Ayon kay Gov. Andy Beshear, kabilang sa mga nasawi ang isang beteranong bombero na si Maj. Roger Leslie Leatherman, na nasawi habang tumutulong sa sakuna.
Maraming kabahayan din ang nawasak at mga pamilya ang napilitang magtago sa kanilang basement habang dumaraan ang malakas na buhawi.
Sa kabilang banda, sa Missouri, pito naman ang napaulat na namatay, lima sa lungsod ng St. Louis, na tinamaan ng isang EF-3 tornado o isang buhawi na may hanging lakas na 140 mph.
Samantala sa state ng Virginia, dalawang katao din ang nasawi matapos mabagsakan ng puno ang kanilang mga sasakyan.
Sa kabuuan, 15 states ang apektado ng bagyo, na may 26 na naiulat na dumaang buhawi, at malalaking hail.
Mahigit 462,000 na mga kabahayan ang napaulat ding nawalan ng kuryente.
Samantala, nagbabala ang mga weather authorities ng panibagong bugso ng masamang panahon, partikular sa state ng Oklahoma, Texas, Northeast U.S., at South-Central Plains.
Inaasahang magdadala ito ng malalakas na ulan, hangin, hail, at posibleng mga buhawi.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pamahalaan ng Estados Unidos at pagtugon ng mga federal agencies, habang nananawagan ang mga opisyal sa publiko na manatiling alerto at handa pagdating sa sakuna.