Arestado ng Philippine National Police ang nasa mahigit 20 indibidwal na may kaugnayan sa ilegal na operasyon ng e-sabong.
Ayon kay PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. nakapagtala na ng dagdag na 28 bilang ng mga indibidwal na sangkot sa nasabing ilegal na gawain ang naaresto ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon na ikinasa ng mga otoridad sa nakalipas na mga linggo .
Alinsunod aniya ito sa ipinag-utos ni pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patuloy na suspendihin ang lahat ng mga operasyon ng e-sabong sa bansa sa ilalim ng kaniyang nilagdaang executive order no. 9 .
Bukod dito ay iniulay din ni Azurin na umabot na sa 102 platforms ng e-sabong ang nakablock at nai-take down na ng pulisya, 76 na iba pa ang deactivated na, habang nasa 39 na e-sabong websites naman ang out of service na.
Samantala, patuloy na pakikipagtulungan naman ng pnp sa Department of Information and Communication Technology , at National Telecommunications Commission ay patuloy din ang isinasagawang monitoring nito sa natitirang 273 platforms, 146 websites, 67 facebook groups, 18 facebook pages, at 10 mobile applications na ginagamit sa operasyon ng e-sabong.