-- Advertisements --

Arestado ang halos 300 Chinese workers sa Pasig City matapos sugurin ng mga otoridad illegal online operations ng mga ito.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, apat na puganteng Chinese ang inisyal na target ng kanilang operasyon dahil sa hiwalay na reklamong investment scam.

Nakatanggap daw ng tip ang ahensya mula sa mismong Chinese Embassy matapos umanong makapam-biktima ng higit 1,000 indibidwal ng apat na suspek.

Aabot sa 100-million Chinese Yuan o katumbas ng P700-milyon na raw ang nakulimbat ng apat mula sa mga nabiktima nito.

Bukod sa mga ito, dawit naman daw sa large-scale fraud ang 273 na kasamang naaresto.

Nabatid na undocumented ang mga Chinese matapos kanselahan ng kanilang bansa ang kanya-kanyang passport.

Sa ngayon pansamantalang naka-detain ang mga naaresto sa Warden Facility ng BI sa Taguig City habang inaasikaso ang deportation ng mga ito.