-- Advertisements --

Aabot sa halos 26,000 unit ng taxi at transport network vehicle services (TNVS) ang pinayagan ng Department of Transportation (DOTr) na magbalik kalsada simula ngayong araw sa Metro Manila.

Batay sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), binubuo ng nasa 18,631 TNVS units at 7,315 na mga unit ng taxi ang kabuuang bilang ng mga pinayagang magbalik biyahe sa ilalim ng general community quarantine.

Nilinaw ng Transportation department na kasabay nang kanilang pagbabalik lansangan, ay walang taas pasahe sa mga inaprubahang public utility vehicles.

Mahigpit na paalala lang ng DOTr na panatilihin ang pagsusuot ng face mask sa mga naturang sasakyan, at gloves para sa mga driver; pati na ang pagdi-disinfect, pagpapalagay ng harang at pagsunod sa passenger seating capacity.

Iminumungkahi rin ng kagawaran na magpatupad ng cashless transaction bilang paraan ng pagbabayad.

“Ang pagbabalik ng mga taxis at TNVS units na mula sa iba’t-ibang TNCs ay alinsunod sa Memorandum Circular (MC) 2020-018, kung saan nakapaloob ang mga guidelines para sa operasyon ng mga taxis at TNVS, sa kasagsagan ng GCQ.”

“Pinapaalalahanan ng LTFRB ang bawat operator at driver ng mga taxis at TNVS na sundin ang mga protocols na nakasaad sa nasabing memorandum circular, upang maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).”