Sa kabila ng pagpasok ng tag-ulan, nananatili pa ring apektado ng tag-tuyot ang kabuuang 26 na probinsya sa buong bansa.
Ayon sa Department of Science and Technology(DOST), apat dito ay mula sa Luzon, 12 ang mula sa Visayas, habang ang nalalabing sampu ay mula sa Mindanao.
Sa Luzon, ito ay binubuo ng mga probisnya ng Apayao, Batanes, Cagayan at Palawan.
Sa Visayas, kinabibilangan ito ng Aklan, Antique, Bohol, Capiz, Cebu, Guimaras, Iloilo, Leyte, Negros Occidental, Negros Oriental, Siquijor at Southern Leyte.
Habang sa Mindanao, kinabibilangan ito ng Basilan, Camiguin, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Tawi-Tawi, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur at Zamboanga Sibugay.
Ang mga ito ay nakakaranas ng 21-60% na pagbaba ng nararanasang pag-ulan sa loob ng limang magkakasunod na buwan.
Gayonpaman, inaasahan namang bababa na lamang sa dalawang probinsya ang maaapektuhan ng tagtuyot sa pagtatapos ng Hunyo: Apayao at Cagayan.
Una nang idineklara ng state weather bureau ang pagsisimula ng rainy season noong May 29, kasunod ng pananalasa ng bagyong Aghon ay pagpasok ng Habagat.