Nakaalis na ang 26 na Pilipino mula sa Israel sa pamamagitan ng voluntary repatriation program ng Philippine Embassy, ayon sa naging pahayag ng embahada nitong Linggo.
“26 nating kababayan ang nakaalis na sa pamamagitan ng Voluntary Repatriation program ng Embahada,” ani ng embahada sa kanilang social media post.
Sinamahan sila ni Philippine Ambassador Aileen Mendiola at ng DMW-OWWA team sa Allenby Border Crossing upang masiguro ang maayos na pagtawid mula Israel patungong Jordan.
Inasikaso rin ng embahada ang kanilang transportasyon, transit visas, travel documents, at plane tickets. Bago umalis, nanirahan muna ang mga Pilipino sa shelter ng Department of Migrant Workers (DMW) kung saan sila ay binigyan ng relief packages, libreng legal assistance, at orientation para sa kanilang reintegration benefits pagbalik sa Pilipinas.
Una nang iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang grupo ay binubuo ng 26 overseas Filipino workers (OFWs) at isang turista.
Samantala, nasa proseso na rin ang ikalawang batch ng repatriation na kinabibilangan ng 33 Pilipino.
Matatandaang isinagawa ang repatriation sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Nagsimula ang palitan ng pambobomba noong Hunyo 13 matapos akusahan ng Israel ang Iran na malapit nang gumawa ng nuclear weapon, bagay na itinanggi ng Tehran.