-- Advertisements --

Lumalabas sa datos ng Department of Health (DOH) na higit 250 healthcare workers na ang tinamaan ng sakit na coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Dr. Beverly Ho, ang special assistant ni Health Sec. Francisco Duque, mula sa higit 3,000 naitalang positive cases ng COVID-19, ay may 252 healthcare workers na na-infect ng naturang pandemic virus.

Mula sa nasabing bilang, 152 ang doktor habang 63 ang nurse.

“Kumpirmado po na 11 ang pumanaw na healthcare workers dahil sa COVID-19,” ayon kay Ho.

Ito ang unang beses na naglabas ang DOH ng datos ukol sa mga healthcare workers na na may COVID-19.

Kamakailan nang mag-desisyon ang kagawaran na isali na rin sa prayoridad ng testing ang mga healthcare workers na makakaranas ng sintomas matapos magkaroon ng contact sa isang positive patient.

Sa data naman ng Private Hospitals Association of the Philippines, 21 doktor na ang namatay dahil sa naturang virus.