Nasa 250 pamilya ang naapektuhan sa nangyaring sunog kaninang umaga sa Barangay UP Campus sa Diliman, Quezon City.
Ayon sa Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office, agad silang nag set-up ng mga tent bilang temporary shelter sa may bahagi ng Environmental and Energy Engineering Bldg. at sa old barangay hall ng UP Village.
Ang Social Services Development Department ng Quezon City naman ay nakikipag-ugnayan na rin sa mga barangay officials para sa gagawing relief efforts ng siyudad.
Kaugnay nito, pinatitiyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na mabibigyan ng tulong ang mga biktima ng sunog lalo na ang pamilya ng walong namatay.
Sa panig naman ni Quezon City Police District director, B/Gen. REmus Medina, agad itong nagdeploy ng mga police personnel sa lugar para magbantay.
Wala naman aniya silang naitalang mga “untoward incident” sa kasagsagan ng sunog.
Ikinalungkot nito ang pagkasawi ng walong katao, gayundin ang pagkasugat ng tatlo, at 80 bahay ang natupok ng apoy.
Samantala, iniimbestigahan na ng Bureau of Fire Protection-National Capital Regional ang sanhi ng sunog na nirespondehan ng 20 firetrucks at fire volunteers.
Ayon kay Barangay Captain Zenaida Lectura ng Barangay UP Campus, pansamantalang inilikas sa evacuation center ang 250 pamilya na nasunugan.