Pormal nang pinirmahan ng ports at casino tycoon na si Enrique Razon Jr ang subscription agreement kasama ang Manila Water Company para sa pagbili nito sa 25% shares ng nasabing kumpanya.

Inihayag ang anunsyong ito matapos boluntaryong suspendihin ng Manila Water ang trading ng kanilang shares simula Enero 31.

Tinatayang aabot sa P10.7 billion pesos ang halaga ng nasa 820 million common shares ng Manila Water.

Sa inilabas na pahayag ng kumpanya, ang additional na equity capital na ito ay magsisilbi umanong paraan upang mas lalo pang pagtibayin ang balance sheet ng Manila Water at pangdagdag na rin sa pondo ng water supply sa kabila ng ibinabatong kritisismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Tinaasan naman ng board of members ng kumpanya ang capital stock nito na aabot sa 26% o P4.4 billion mula P3.5 billion.

-- Advertisement --

Mananatili namang shareholder ang Ayala sa 38.6% shares ng Manila Water.