Nagpasaklolo na ang nasa 25 Pilipino na karamihan ay mga kababaihan at bata mula sa Gaza upang mailikas sa gitna ng nagpapatuloy ng giyera sa Israel sa ikaapat na araw.
Kinumpirma mismo ni Foreign Affairs spokesman Teresita Daza na nakatanggap ang Philippine Embassy sa Amman, Jordan ng request mula sa mga Pilipino para lisanin ang Gaza.
Sa datos ng DFA, mayroong 137 Pilipino ang nasa Gaza habang nasa tinatayang 30,000 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong legal na nagtratrabaho at naninirahan sa Israel.
Ayon naman kay Philippine Ambassador to Jordan Wilfredo Santos nakikipag-ugnayan ang embahada sa relevant agencies para matiyak ang ligtas na daraanan ng mga ililikas na Pilipino habang inihayag naman ng Philippine diplomats sa Tel Aviv na mayroong existing contingency measures para sa mga Pilipinong naipit sa giyera.
Una ng kinumpirma ng DFA nitong Lunes na mayroong isang Pinoy ang napaulat na dinukot ng militanteng Hamas habang 5 iba pang Pilipino ang nawawala.
Patuloy pa ring pinapayuhan ang mga Pilipino na manatili sa indoor at sumunod sa mga instruction ng mga lokal na awtoridad sa Israel.