BUTUAN CITY – Mino-monitor ngayon ng mga tauhan ng Marine Environmental Protection Unit ng Coast Guard Station-Surigao del Norte ang lokasyon kungsaan tumaob kagahapon ang cargo vessel na LCT PACIFICA 1, sa karagatang sakop ng Hinatuan Island at Bucas Grande Island ng Surigao del Norte.
Ito’y upang kaagad na makapagpatupad ng tamang hakbang upang maiwasan ang oil spill lalo na’t ang hull na lamang ng barko ang makikita.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Atty. Romeo Dax Calamaya, station commander ng Coast Guard Station-Surigao del Norte na ayon sa kapitan ng barko nga si Robert Espino, lumisan sila sa Butuan City karga ang buhangin at dadaong sana sa Dapa Port ng Siargao Islands, Surigao del Norte nagn bigla na lang paghahampasin ng naglalakihang alon ang kanilang barko kungsaan pumasok pa sa engine room ang tubig-dagat sanhi ng pagtaob nito ng tuluyan.
Mabuti na lamang at may dumaang commercial vessel na MV Veronica kung kaya’t nakaligtas ang lahat ng 22 mga tripolante nito bago pa dumating ang rescue team ng Coast Guard na nakatanggap ng kanilang distress call.