GENERAL SANTOS CITY – Patay ang 22-anyos na lalaki na tumulong lamang sa mga dayo na napagtripan at binugbog ng nasa anim na mga suspek.

Nangyari ang insidente nitong Miyerkules ng gabi, sa Prk Masaya, Brgy Magsaysay, Polomolok, South Cotabato.

Kinilala nama ang biktima na si Eleazar Samalamca, residente ng Prk Mabuhay sa nasabing barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, naabutan umano ng biktima habang pinagtutulungang bugbugin ng mga suspek ang dalawang dayo na kinilalang sina Lino Caay at Crisanto Caay, na mga taga-Brgy Fatima, GenSan.

Subalit nang tinangkang tulungan ng biktima ang mga dayo ay ito naman ang pinagbuntunan ng mga suspek at pinagbubugbog.

Isa umano sa mga suspek ang bumunot ng kutsilyo at pinagsasaksak ang biktima.

Naisugod pa ito sa pagamutan subalit binawian din ng buhay.

Nagpapatuloy ngayon ang hot pursuit operation laban sa mga suspek na batay sa nakalap na impormasyon ay kinilalang sina Verlito Young, Ryan Young, Gilbert Palalisan, Dumoy Palalisan, John Mark Paglanagan at isang alyas Noel, pawang mga residente sa lugar.

Habang ang dalawang dayo naman na unang binugbog ng mga suspek ay kasalukuyang kinukunan ng impormasyon ng mga pulis para sa ginagawang imbestigasyon.