Nasagip ang nasa 21 umano’y biktima ng human trafficking sa Bongao Pier sa Barangay Poblacion sa Bongao, Tawi-Tawi ayon sa Naval Forces Western Mindanao.
Nasa 13 sa mga biktima ang tinangkang itakas patungong Malaysia sa pamamagitan ng motorized pump boat nang walang anumang dokumento para maglakbay at magtrabaho.
Pinangakuan din umano ang mga biktima ng oportunidad para magtrabaho sa Malaysia sa pag-asang magkaroon agad ng trabaho pagkadating nila sa naturang bansa.
Pagdating naman nila sa kanilang destinasyon, kinuha umano sila ng isang indibdiwal na tinukoy na Winda na nag-aantay na sa Malaysia.
Samantala, walo naman sa 21 biktima ay sumakay ng passenger ferry mula Zamboanga city patungong Sitangkai, Tawi-tawi na nakadaong sa may Port of Bongao.
Ang mga nasabing identified Trafficking in Persons (TIPs) ay dadaan sana sa backdoor channel sa kota Kinabalu, Malaysia kung saan sasalubungin sila ng partikular na mga indibidwal na nagngangalang “Pah Assi” at Rosalinda Sonor na kapwa mga naninirahan umano sa naturang bansa.
Isinailalim ang mga biktima sa masusing profiling at dokumentasyon at saka tinurn-over sa Ministry of Social Services and Development para sa maayos na disposisyon.