Umaabot sa 21 opisyal ng Philippine Air Force (PAF) na may backgrounds sa air battle management at planning ang ipapadala ng Pilipinas sa magaganap na premier Royal Australian Air Force’s (RAAF) “Exercise Pitch Black” sa siyudad ng Darwin mula August 19 hanggang September 8.
Ayon kay Air Force spokesperson Col. Maynard Mariano, ang mga PAF participants ay magiging active observers pero wala namang aircraft ng PAF ang magiging bahagi sa war exercise.
Ang mga PAF senior planners ay masusing mag-oobserba upang mapalawak pa ang mga kaalaman kung papaano ang pagpaplano sa large force engagement sa pamamagitan ng kalawakan at gayundin sa real-world operations.
Ang “Exercise Pitch Black” ay isinasagawa tuwing ikalawang taon at tatagal ito ng tatlong-linggo na exercises na lalahukan ng isang multi-national large force deployment.
Kabilang naman sa delegasyon ng Pilipinas ay sina PAF commander Lt. Gen. Connor Anthony Canlas Sr. at Air Defense Command chief Maj. Gen. Augustine Malinit.
Inaasahang nasa 2,500 personnel at 100 mga eroplano ang sasali sa war exercises na magmumula sa Australia, France, Germany, Indonesia, India, Singapore, Japan, South Korea, the United Kingdom, Philippines, Thailand, UAE, Canada, the Netherlands, Malaysia, New Zealand, at ang United States.