BAGUIO CITY – Nananatiling naka-lockdown ang 21 na mga barangay sa Baguio City kasabay ng patuloy na paglobo ng bilang ng mga residenteng nagpopositibo sa COVID-19.
Batay sa huling tala, aabot na sa 162 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Baguio kung saan 58 ang aktibo habang 99 ang gumaling na.
Umaabot na rin sa lima ang bilang ng mga nasawi sa lungsod dahil sa nasabing sakit at pinakahuli dito ang isang 71-anyos na lolo na residente ng Bakakeng Central Barangay at dead on arrival sa pagamutan.
Mula sa 21 na mga barangay na naka-lockdown sa Baguio, pinakabago dito ang Chapis Village sa Bakakeng Central, Brookspoint sa Aurora Hill, Pinget at pitong purok ng Barangay Irisan.
Una ng sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Baguio ay resulta ng isinasagawang mas epektibong contact tracing.
Sa ngayon, higit 1,000 ang aktibong suspected case ng COVID-19 dito sa Baguio City habang aabot sa 3,200 ang gumaling na suspected case at kasalukuyang naka-14-day quarantine ang higit 4,000 na indibidwal.