Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) na umakyat pa sa 21.8 million na ang mga nakapag-enroll para sa School Year (SY) 2022-2023 na magsisimula na sa sunod na linggo.
Batay sa latest data mula sa Learner Information System (LIS) iniulat ng DepEd na ang kabuuang bilang ng mga registered students ay umabot na sa kabuuang 21,837,853 para sa incoming school year.
Sa naturang datos ang 19,233,796 na mga learners ay naka-enroll sa mga public schools; 2,531,715 naman sa private schools at may 72,342 ang nag-enroll sa mga State Universities and Colleges/ Local Universities and Colleges (SUCs/LUCs) na nag-aalok ng basic education.
Samantala ang Region IV-A pa rin ang may largest number of enrollees na umaabot sa 3,142,716, sinusundan ng Region III na may 2,419,137, at ang National Capital Region (NCR) na may 2,330,450.
Nagpaalala naman ang DepEd doon sa nais pang humabol na magpa-enroll mangyari lamang na agahan na.
Maaring isagawa ito sa pamamagitan ng tatlong enrollment methods: in-person, remote, at dropbox enrollment.
Magtatapos ang enrollment period sa unang araw ng klase sa Aug. 22.