-- Advertisements --

Iginiit ng mga abogadong naghain ng petisyon sa kataastaasang hukuman o Korte Suprema na hindi umano maaring tumawid ang ‘impeachment trial’ laban kay Vice President Sara Duterte sa papasok na 20th congress.

Ito mismo ang mariing inihayag ng mga naturang abogado sa pangunguna ni Atty. Israelito Torreon ng matanong kung ano ang nakapaloob sa kanilang isinumiteng petisyon.

Aniya’y hindi maaring tumawid o mag’cross over’ ang proseso ng paglilitis sa susunod na kongreso dahil sa sinusunod umanong ‘legislative discontinuity’.

Nangangahulugan daw ito na ang lahat ng mga nakabinbing proceedings sa kongreso ay mananatili katulad at partikular ng sa usapin ng impeachment.

Si Atty. Israelito Torreon, kasama ang ilan pang mga abogado ay naghain ng panibago at karagdagang petisyon sa Korte Suprema upang pigilan ang ‘impeachment’ kontra sa ikalawang pangulo ng bansa.

Kanilang isinumite ang ‘supplemental petition’ at inilahad ang tatlong punto ng paglabag sa konstitusyon hinggil sa pagpapatuloy ng impeachment trial.

Dagdag pa ng naturang abogado, ang pagtawid ng usaping ‘impeachment’ sa panibagong kongreso ay paglabag din sa kung ano ang nakasaad sa panuntunan ng Senado.

Kung saan kanyang binigyang diin ang nakapaloob sa Article 44, Section 123 ng Senate Rules ang ‘termination’ sa lahat ng nakabinbing proceedings sa pagtatapos ng 19th congress.

Ibinahagi rin ni Atty. Israelito Torreon na wala pa raw nagaganap na pagtawid ng isang nakabinbing proceedings ng isang kongreso sa pagpasok ng panibago.

Giit niya’y ang lahat ng ‘pending matters’ ay terminated katulad ng usaping ‘impeachment’ sakaling ito’y itutuloy mula 19th congress tungo sa pagpasok ng 20th congress.