Naniniwala si Cabinet Sec. Karlo Nograles na dapat mag-reconvene ang Kamara para aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang 2021 proposed national budget.
Sa isang panayam, binigyan diin ni Nograles na hindi dapat hino-hostage ng Kamara ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon dahil mahalagang walang delays dito.
Iginiit ni Nograles na nakapaloob sa 2021 budget ang pondo para sa pagtugon ng pamahalaan sa mga epekto ng COVID-19 pandemic, kabilang na ang para sa pagsisindi ulit sa ekonomiya ng bansa.
Kagabi, Oktubre 8, nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na mamagitan para maisalba ang proposed national budget para sa susunod na taon mula sa delay na idinulot ng speakership row sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Noong Martes, Oktubre 6, ay nagmosyon si Cayetano na i-terminate na ang debate sa budget at aprubahan na lamang ito kaagad sa second reading, na nagresulta naman sa maagang suspension ng plenary sessions ng Kamara na tatagal ng hanggang Nobyembre 16.