Naniniwala ang Malacañang na makakagalaw na ang Senado para masimulan na ang deliberasyon para sa 2021 national budget.
Ginawa ni Presidential Spokesman Harry Roque ang pahayag kasunod ng pag-apruba ng Kamara sa second reading ang House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Bill.
Sinabi ni Sec. Roque, bilang isang constituional law professor, kung tutuusin ay ceremonial na lang ang third and final reading kaya maaari nang makapagsagawa ng pagdinig kaugnay sa budget ang Senado.
Ayon kay Sec. Roque, karaniwang wala nang ammendment na nagaganap sa ikatlong pagbasa kaya maaari ng makapagsimula ng kanilang hearing ang mga Senador sa gitna ng pagnanais sana ni Pangulong Rodrigo Duterte na malagdaan na ang budget sa buwan ng Disyembre.
Kaugnay nito, nagpaabot naman ng pasasalamat ang Malacañang sa Kamara dahil sa mabilis na usad ng proposed national budget sa kanilang hanay.