-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagsimula na ang isa sa pinakasikat na selebrasyon sa Pilipinas, ang Lanzones Festival sa Camiguin.

Subalit ngayong taon, naging malamya ang piyesta sa isla dahil sa banta ng coronavirus.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Jejomar Bollozos na bawal pa rin ang pagpasok ng mga local at foreign tourist sa kanilang lugar kahit nasa mababang quarantine restriction o modified general community quarantine ang isla.

Aniya, may mga parada at street dances pa rin ang naganap pero mga residente lang ng isla ang nakasaksi.

Nilinaw naman ni Bollozos na gumawa naman sila ng mga virtual events na ini-upload sa mga social media kagaya ng Facebook.

Sa ngayon, ang Camiguin lang ang tanging probinsya ng Northern Mindanao ang may pinakamababang kaso ng coronavirus infection mula nang ipinatupad ang lockdown sa buong isla noong Marso 2020.