-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Pinasimulan na ngayong araw ang pagpili ng mga atletang ipanlalaban sa National State Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) Meet, mula sa siyam na State Universities and Colleges (SUCs) ng Bicol.

Host ng nasabing sporting event ang Bicol University (BU).

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay BU President Dr. Arnulfo Mascariñas, apat na araw ang selection process mula Pebrero 5 hanggang 7 upang matukoy ang mga ipantatapat sa kapwa magagaling na atleta ng ibang rehiyon.

Nasa 112 SUCs mula sa 16 na rehiyon sa bansa o hanggang 10, 000 na mga atleta, sports officials at mga SUC officials ang inaasahang dadalo sa aktibidad na bubuksan sa Marso 22 hanggang 28.

Aminado si Mascariñas na kabilang sa mga ikinokonsidera sa ngayon ang isyu sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV ARD) dahil ilan sa mga delegates ang mula sa lugar na may suspected case ng nCoV.

Magpupulong naman ang national council ng sports meet sa Biyernes, Pebrero 7 kung saan ihahayag ni Mascariñas ang isyu.