Wala pa ring official announcement sa kanilang social media accounts ang Miss Universe Organization kaugnay sa pag-ugong ngayong araw ng impormasyon tungkol sa host country at petsa ng coronation night ng 68th Miss Universe pageant.
Kasunod ito ng mga naging social media post ng National Director ng Miss Universe Denmark na kumpirmado na raw na sa Amerika isasagawa ang Miss Universe 2019 sa darating na December 8.
Nabatid na kabilang sa mga usap-usapan para maging host country ngayong taon ay ang United Arab Emirates at South Korea, ayon kay dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson sa panayam ng Bombo Radyo Vigan.
Magiging kinatawan ng bansa ang 23-year-old Fil-Palestinian model na si Gazini Ganados na tubong Zamboanga pero lumaki sa Cebu.
Noong nakaraang taon nang maibigay ng Bicolana beauty na si Catriona Magnayon Gray ang pang-apat na Miss Universe title sa Pilipinas matapos manguna sa coronation na ginanap sa Thailand.