-- Advertisements --

Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 200,000 kaso ng influenza-like illnesses kabilang ang COVID-19 sa gitna ng pangamba ng pagtaas ng respiratory illnesses sa China.

Ayon sa tagapagsalita ng DOH at Undersecretary Eric Tayag, lumagpas pa ang bilang ng mga respiratory illness sa bansa mula sa karaniwang 90,000 kaso naitala sa ganitong panahon na ber months.

Pero paglilinaw ng DOH official na hindi lahat ng ito ay kaso ng influenza may ilan din na sinuri na positibo sa COVID-19.

Sa kasalukuyan din, inamin ng opisyal na wala ng bakuna kontra COVID-19 at inaantay pa ang donasyon na bagong COVID-19 vaccine.

Una ng sinabi ng ahensiya na nasa 49.7 million vaccine doses ng COVID-19 ang nasayang kabilang ang 26.2 million doses na donasyon at 23.5 million doses na binili ng pamahalaan.

Hindi na rin naglaan pa ng pondo para sa susunod na taon ang pamahalaan para sa pagbili ng COVID-19 vaccines.

Samantala, patuloy namang nakamonitor ang DOH sa respiratory illness sa China kung saan una ring naitala ang unang kaso ng COVID-19 na kumalat sa iba’t ibang mga bansa.