-- Advertisements --

Inaasahan ngayon ng Philippine Airlines na madadagdagan pa ng 20% ang bilang ng mga pasahero dadagsa sa mga paliparan sa Maynila ngayong panahon ng Semana Santa.

Ito ay sa gitna pa rin ng mas pinagaan na COVID-19 restrictions sa lahat ng mga paliparan sa bansa.

Ayon kay Philippine Airline spokesperson Cielo Villaluna, posibleng madagdagan pa ng 15% hanggang 20% ang bilang ng mga pasaherong dadagsa sa mga paliparan, kasing dami ng mga pasaherong naitala noong pre-pandemic period.

Ito kasi aniya ang unang pagkakataong magdaraos ng Semana Santa sa bansa pagkatapos ng pandemya kasabay ng muling pagbubukas ng mga travel borders at pagaain pa ang mga travel restrictions.

Aniya, sa normal na araw ay umaabot sa 18,000 arrivals ang naitatala sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport, habang nasa 6,700 ang naitatala sa Terminal 1.

Dahil din sa extended weekend ngayong panahon ng Mahal na Araw ay pahihintulutan din ang mga pasahero na mag check in ng anim na oras na mas maaga bago ang kanilang departure upang maiwasan naman ang congestion ng mga pasahero sa mga counter.

Samantala, nakapagtala rin ng pagtaas sa frequencies ang mga lugar na mayroong high passenger traffic tulad ng Caticlan sa Aklan at Coron sa Palawan, at mula sa Clark hub nito na kasalukuyan nang operating sa kapasidad nitong 92% noong pre-pandemic period.

Magugunitang una nang nanawagan ang Manila International Airport Authority sa mga air travelers na magtungo ang mga ito sa NAIA apat na oras bago ang kanilang international flight at dalawang oras naman bago ang mga may domestic flights dahil pa rin sa inaasahang pagdami ng bilang ng mga pasahero ngayong panahon ng Semana Santa.